Tinig ng Katawan, Aral ng Buhay: Replektibong Sanaysay
Noong bata pa ako, isa sa mga hindi ko malilimutang karanasan ay nang ako ay nagkaroon ng Urinary Tract Infection (UTI) at kidney crystals. Sa simula, inakala kong karaniwang sakit lamang ito. Nagsimula ito sa pananakit ng aking tagiliran. Sa bawat araw na lumilipas, lumalala ang sakit at naging mahirap para sa akin ang mga simpleng gawain tulad ng paglalakad at pagkain.
Nang dalhin ako sa doktor, doon ko nalaman na may UTI ako at natuklasan din na may maliliit na kidney crystals na nagsisimula nang mabuo sa aking bato. Naging mahirap para sa akin ang gamutan — kinakailangan kong uminom ng maraming tubig, sundin ang tamang pagkain, at uminom ng mga gamot na minsan ay mapait at mahirap inumin dahil masyadong marami, araw-araw. Bukod pa rito, naramdaman ko rin ang matinding pag-aalala ng pamilya ko na nagbigay sa akin ng lakas para magpakatatag.
Ang karanasang ito ay nagturo sa akin ng mahahalagang aral. Una, natutunan kong pahalagahan ang kalusugan. Noon ay madalas akong makalimot uminom ng tubig at mahilig sa maalat at matatamis na pagkain — mga bagay na dahilan ng sakit ko. Dahil sa pangyayaring ito, natuto akong maging mas responsable sa aking pag-alaga sa sarili ko.
Pangalawa, napagtanto ko kung gaano kahalaga ang pagiging maagap. Mas mabuti sana na naging maingat ako sa pagkain. At kung mas maaga kong ikinonsulta sa doktor ang pananakit na naramdaman ko sa aking tagiliran, sana ay hindi na lumala pa ang aking kondisyon.
Sa huli, ang karanasang ito ay nagbigay sa akin ng lakas ng loob na harapin ang mga pagsubok sa buhay. Naging mas disiplinado ako pagdating sa aking kalusugan, at natutunan kong huwag balewalain ang mga babala ng katawan ko. Kahit na mahirap ang dinaanan ko, ito ay nagbigay sa akin ng mahalagang aral na aking dadalhin habang ako ay lumalaki.
Comments
Post a Comment